Christian Churches of God

No. D3

 

 

 

Seremonya ng Pagbabautismo

 (Edition 2.0 20000916-20071204)

                                                        

 

Tayo ay binautismuhan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos Ama. Pagkatapos tayo ay inilalagay, bilang ikakasal, sa katawan ng Anak. Ito ay sa pamamagitan ng gawa at kapangyarihan ng Banal na Espiritu ng Diyos. Ito ay batay sa pagsisisi at pagbabalik-loob bilang tugon sa pagtawag.

 

 

Christian Churches of God

PO Box 369,  WODEN  ACT 2606,  AUSTRALIA

 

E-mail: secretary@ccg.org

 

(Copyright © 2000, 2007 Christian Churches of God)

(Tr. 2024)

 

This paper may be freely copied and distributed provided it is copied in total with no alterations or deletions. The publisher’s name and address and the copyright notice must be included.  No charge may be levied on recipients of distributed copies.  Brief quotations may be embodied in critical articles and reviews without breaching copyright.

 

This paper is available from the World Wide Web page:
http://logon.org and http://ccg.org

 


 Seremonya ng Pagbabautismo

 


Bautismo

 

Ang bautismo ang una sa dalawang sakramento ng Iglesia. Ang ikalawa ay ang Hapunan ng Panginoon, na hindi maaaring tanggapin nang walang pagsisisi at bautismo. (Tingnan ang araling Ang mga Sakramento ng Iglesia (No. 150).) Tayo ay naliligtas sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit tayo ay napapasailalim sa paghatol sa pamamagitan ng paglabag sa Kautusan ng Tipan ng Diyos (Rom. 5:20-6:19). Tinatanggap at pinapanatili natin ang Banal na Espiritu ng Diyos nang may kondisyon.

 

Kasama ng pangangaral at pagtuturo, ang bautismo ay bahagi ng misyong ibinigay sa Iglesia ng Diyos.

Marcos 16:15-16  At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

 

Mateo 28:19  Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,

 

Ang desisyon tungkol sa Bautismo ay isang prosesong may tatlong bahagi:

Una, kailangan nating magsisi, na ibig sabihin ay magbago;

Ikalawa, tayo ay binautismuhan para sa kapatawaran ng kasalanan;

Ikatlo, tinatanggap natin ang kaloob ng Banal na Espiritu

 

Pagsisisi

 

Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagbabago at pagtalikod sa dati nating makasalanang paraan pamumuhay, at mamuhay nang naaayon sa nais ng Diyos. Hindi ito simpleng pagsisisi, kundi isang ganap na pagbabago sa pamantayan ng ating pag-uugali. Kung ibibigay natin ang ating mga paraan sa Panginoon itatatag Niya ang ating mga panukala (Kaw. 16:3).

 

Mga Gawa 2:38  At sinabi sa kanila ni Pedro, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. (AB01)

 

Kailangan nating magsisi, at kailangan nating maniwala sa Ebanghelyo ng Kaharian ng Diyos. Kung magkasama ito ay nagbubunga ng pagbabalik-loob at ating kusang-loob na pakikibahagi upang ang ating mga kasalanan ay mapawi (Gawa 3:19). Maliban kung tayo ay magsisi tayo ay mapapahamak (Luc. 13:1-5).

 

Ang bautismo sa pamamagitan ng paglulubog ay sumisimbolo sa kamatayan ng ating dating paraan ng pamumuhay sa kasalanan, na paglabag sa Kautusan o Batas (1Juan 3:4). Tayo ay dapat na lubusang ilubog sa tubig, at 'ilibing' sa buhay upang tayo ay mamamatay maliban kung muling iaahon mula sa tubig (Rom. 6:1-9). Ang pag-ahon mula sa tubig ay sumisimbolo sa pagkabuhay na mag-uli tungo sa bagong paraan ng pamumuhay (cf. ang aralin ng Pagsisisi at Bautismo (No. 52)).

 

Tayo ay binautismuhan kay Cristo Jesus (Rom. 6:3) at hindi sa anumang sekta, denominasyon o iglesia. Ito ay sa iisang Katawan na maraming mga miyembro (1Cor. 12:13-14). Dapat tayong mabago (Rom. 12:1-2), lumalago sa biyaya at kaalaman (2Ped. 3:18) at magbunga (Gal. 5:22-23) bilang patunay ng ating pagsisisi (tingnan din ang araling Bunga ng Banal na Espiritu (No. 146)).

 

Gayunpaman, mayroon itong, kaakibat na kapalit. Dapat itong pag-isipan, o timbangin bago gawin ang hakbang na ito ng bautismo (Luc. 14:25-33).

 

Ang Banal na Espiritu

 

Ang Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa utos ng Diyos, na sinasagisag ng pagpapatong ng mga kamay. Sa gayon ang Banal na Espiritu ay pumapasok sa nagsisising indibidwal. Ang tao (o mga tao) na nagpapatong ng kamay ay ginagawa ito bilang kinatawan ng Iglesia, at hindi niya mismo ipinagkakaloob ang Banal na Espiritu. Ang Espiritu ang humihila sa mga hinirang patungo sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo (Heb. 7:25), at ang mga unang-bunga ng Espiritu ay ibinibigay sa indibidwal sa kanyang bautismo (Rom. 8:23). (Tingnan din ang araling Ang Banal na Espiritu (No. 117).)

 

Ang buong sangkatauhan ay nagkasala! Lahat tayo ay dapat umamin na tayo ay nagkasala.

 

1Juan 1:8-10 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan. 10Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.

 

Inirerekomendang Seremonya para sa Pagbabautismo

 

Ang kandidato ay dapat na maayos na mapayuhan para sa bautismo bago pa man, at dapat bautismuhan sa pamamagitan ng paglulubog sa isang angkop at ligtas na lugar.

 

Maaaring gawin ito bago ang Paskuwa o sa mga Kapistahan ng Panginoon, ngunit maaari ring gawin anumang oras napagpasyahan ng ministro na magsasagawa ng seremonya.

 

Ang kandidato ay dapat samahan ng opisyal na magsasagawa ng seremonya, na siya ring magsisiyasat ng lugar para sa kaligtasan.

 

Sa tubig, sasabihin ng ministro ang mga sumusunod na salita (maliban sa mga panipi):

 

Sabihin ang iyong buong pangalan:

 

********************

 

Naniniwala ka ba na may iisang Diyos na Ama ng lahat, at isang Panginoong Jesucristo?

 

(cf. 1Cor. 8:6; Ef. 4:6)

 

Sagot: Oo.

 

********************

 

Nagsisi ka na ba sa iyong mga kasalanan?

 

(cf. Luc. 13:3; 11:32; Gawa 3:19; 2:38)

 

Sagot: Oo.

 

*********************

 

Alam mo ba na ikaw ay patay sa iyong mga kasalanan at nangangailangan ng nakapagliligtas na biyaya ni Jesucristo?

 

(cf. Rom. 6:10-12)

 

Sagot: Oo.

 

********************

 

Naniniwala ka ba na namatay si Cristo upang bayaran ang utang para sa iyong mga kasalanan?

(cf. 2Cor. 5:21; Heb. 10:14-17; Col. 4:12-14).

 

Sagot: Oo.

 

********************

 

Naniniwala ka ba na ang sakripisyo ni Cristo ay tinanggap ng Diyos, at Siya ay muling binuhay mula sa mga patay?

 

(cf. Rom. 10:9; Heb. 10:10-12)

 

Sagot: Oo.

 

********************

 

Handa ka bang sundin ang mga Utos ng Diyos at ang Pananampalataya ni Jesucristo, ang Mesiyas?

 

(cf. Apoc. 12:17; 14:12)

 

Sagot: Oo.

 

********************

 

Ngayon ay binabauutismuhan ka namin para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

 

********************

 

Pagkatapos ay sasabihan ng kandidato na ikrus ang kanyang mga braso at takpan ang kanyang ilong, at ang ministro na nagsasagawa ng seremonya ay ilalagay ang kanyang kamay sa likod ng kandidato bilang suporta at ibababa ang tao paatras sa tubig, tinitiyak na ang tao ay lubusang  lulubog.

 

Pagkatapos ay maaaring dalhin ang kandidato sa tuyong lupa (na mas mainam kung maraming tao ang binautismuhan), upang lumuhod at ang (mga) ministro ay magpapatong ng mga kamay sa ulo ng tao at sasabihin:

 

Walang Hanggang Ama,

Binabautismuhan namin ang taong ito na si [buong pangalan] sa pamamagitan ng awtoridad at sa iyong Pangalan at sa Katawan ng iyong Anak na ang Mesiyas, sa pamamagitan at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Alinsunod dito, Ama, hinihiling namin na ang Banal na Espiritu ay ilagay sa taong ito sa pangalan ng iyong Anak na si Jesucristo. Amen.

 

Pagkatapos ang tao ay bibigyan ng tagubilin gaya ng sumusunod:

 

Idinideklara namin na ikaw ay binautismuhan sa pangalan ng Diyos na ating Ama, na siyang Diyos at Ama ng lahat.

 

Binautismuhan ka namin sa Katawan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, ang Mesiyas

 

(cf. Rom. 12:4-5; Ef. 4:4,12,16),

 

kasama ang iba

 

(cf. 1Cor. 12:12-27),

 

bilang ikakasal sa kanya

 

(cf. Rom. 7:4; Apoc. 19: 7-9).

 

Ikaw ay hindi binautismuhan sa anumang sekta o denominasyon.

 

Ikaw ay binautismuhan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jesucristo at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ng Diyos.

 

(cf. 2Cor. 5.5; Rom. 8:23; 1Cor. 6:19; Heb. 7:25)

 

 

 

 

 

q